Sanaysay

Kabataan

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”, isa ito sa mga linya ni Gat Jose Rizal na tumatak sa isipan nating mga Pilipino. Sinabi niya ito dahil malakas ang kaniyang paniniwala na ang mga kabataan ay mayroong walang hangganan na potensyal sa paggawa ng mga bagay na ikauunlad ng ating bayan. Ngunit sa panahon natin ngayon ay akma pa ang kaniyang sinabi? May mga kabataan na nasasangkot sa gulo, droga, at nakararanas ng maagang pagbubuntis, sa kabila nito ay mayroon din namang mga kabataan na hindi mapantayan ang talino at husay pagdating sa kani kaniya nilang larangan. Naniwala ang ating pambansang bayani na mayroong pag-asa sa mga kabataan, ngunit mapapansin din natin na habang lumilipas ang panahon, kasabay nito ay ang paglaho ng paniniwala at mga nasambit ni Jose Rizal.

Ang kabataan ay pag-asa ng bayan at habang-buhay ito na mananatiling ganito. Ito ay sa kadahilanang wala na tayong iba pa na aasahan sa paglipas ng mga panahon, lahat tayo ay tatanda at walang sinuman sa atin ang mananatiling bata. Oo, kapansin pansin na sa mga taon na nagdaan ay puro nalang mga hindi magagandang bagay at gawain ang maririnig at makikita natin sa mga kabataan. Ngunit hindi dapat silang husgahan nang isang buo sapagkat ang mga tao ay ipinanganak nang hindi pare pareho, kung may mga mabuti, mayroon ding masama. Palaging mayroong dalawang panig ang bawat kwento. Hindi pa man natin sa ngayon makita nang malinaw na ang kabataan ay pag-asa ng bayan ngunit hindi naman makakasama kung ang gagawin natin ay ituro sa kanila ang tamang landas na dapat nilang tahakin, nanggaling na tayong mga mas nakakatanda sa posisyon na kinaroroonan nila ngayon, mas alam natin sa kanila ang tama at mali. Gabayan natin sila sapagkat sila man ay ang tinuturing natin na magpapa unlad sa ating bayan ay wala parin tao na kaya na mabuhay mag-isa.

Samakatuwid, may hindi man tayo nakikitang maganda sa mga kabataan ay nararapat padin sila na matawag na mga pag-asa ng bayan. Huwag tayong mawalan sa kanila ng tiwala dahil lang sa kanilang mga kamalian, bagkus ay mas lalo pa natin silang paniwalaan dahil hindi pa man natin makita ngayon ang bulaklak, baka ito ay kulang pa sa alaga kaya hindi pa magawang mamukadkad.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Alegorya ng Yungib

Pangkatang Gawain - Pagbibigay Interpretasyon sa Grap, Tsart at Iba Pang Biswal na Pantulong

Tekstong Argumentatibo